Hindi malayong burahin ni James Harden ng Houston ang record ng 3s sa isang single season.

Papasok ng se­cond half ng 2018-19, nakaipon na si Harden ng 274 3-pointers made. Sa average niya ngayon, kaya niyang ilista ang 401 kapag hindi lumiban sa huling 25 games pa ng Rockets.

Hawak ni Stephen Curry ng Golden State ang record na 402 made 3s noong 2015-16.

Abot-kamay rin ni Harden ang 3s taken record – bumitaw ng 886 overall mula long range si Curry sa kanyang record-setting year, may 733 na si Harden at sa takbo ng laro ay ka­yang ilista ang higit 1,000.

Nag-a-average si Harden ng 36.6 points per game, eighth-best all-time na at pinakamaangas sapul nang mag-ave­rage si Michael Jordan ng 37.1 points noong 1986-87.

Tanging sina Jordan (once), Elgin Baylor (once) at Wilt Chamberlain (five times) ang players na tumapos ng season na may mas mataas na average kumpara sa hawak ni Harden ngayon.

Lamang si Har­den ng 7.9 points per game kay Paul George ng Oklahoma City sa scoring race. Kung magtutuloy ang scoring rate ni George na 28.7 per game, si Har­den pa rin ang NBA scoring leader kahit hindi siya umiskor sa susunod na 14 games.

Tuloy ang pag-ulan ng 3s sa NBA, nasa tamang pacing ang liga para burahin ang records ng 3-pointers made at 3-pointers attempted.

Nagiging bisyo na ‘to, dahil kapag nagkataon ay magiging pampitong sunod na season na sasapawan ang dalawang marka.