Harden, Westbrook panis kay Giannis

Dalawa ang MVP ng Houston, sina James Harden at Russell Westbrook.

Isa lang sa Milwaukee, si Giannis Antetokounmpo na fouled out pa higit limang minuto sa laro.

Pero nakagawa ng paraan ang supporting cast ng Bucks para pigilin ang Rockets 117-111 Huwebes ng gabi sa 74th NBA 2019-2020 elims.

Bago napituhan ng pang-anim na foul si Antetokounmpo, nagsalansan muna ng triple-double na 30 points, 13 rebounds at 11 assists.

“These guys in this locker room, we’re fighters,” ani Wesley Matthews. “If Giannis fouls out we can’t just come into the locker room.”

Sina Westbrook, Harden at Antetokounmpo ang MVP ng nagdaang tatlong seasons.

“They did an amazing job,” papuri ni Antetokounmpo sa kanyang teammates. “Moving the ball, knocking down shots.”

Nakawala sa basket si Westbrook pero mabilis na sinagot ng fadeaway jumper ni Brook Lopez, 115-109 Bucks, 39 seconds pa.

Nagbaon ng dalawang free throws si Harden, sinagot ng jumper ni Ersan Ilyasova sa kabila 15 seconds na lang at nagsimula nang pumila sa exits ang fans.

Unang laro na magkasama sa Houston sina Harden at Westbrook tapos i-trade ng Oklahoma City ang 2017 MVP kapalit ni Chris Paul.

Parehong pinuno ng dalawa ang stat sheets, pero ‘di nasikwat ang panalo kahit nasa unahan sa halos buong laro.

May 24 points, 16 rebounds at 7 assists si Westbrook.

Nagsumite si Harden, ang 2018 MVP, ng 19 points, 7 rebounds at 14 assists. Pero 2 of 13 lang siya sa field, 1 for 8 sa three-pointers at walang mintis sa 14 free throws.

Lamang ng anim ang Bucks nang ma-fouled out si Antetokounmpo.

Nilista ng Rockets ang sumunod na limang puntos para dumikit 101-100. Nagsalpak ng 3 si Khris Middleton para dagdagan ang lead.

Tumapos si Lopez ng 14 points at 4 rebounds, umayuda ng 13 at 11 si Ilyasova. (VE)