Harden, Westbrook tinuliro ang Celtics

Dalawa ang MVP ng Houston Rockets – sina James Harden at Russell Westbrook.

Nang magsabay ang dalawa, hindi na malaman ng Boston Celtics kung sino ang uunahing pigilan.

Nilabas ni Westbrook ang kalibre nang pangunahan ang Rockets sa 111-110 overtime victory kontra Celtics Sabado ng gabi.

Angat sa 39-20 ang Rockets, kalahating laro na lang sa nasa joint second ng NBA Western Conference na Clippers at Nuggets na parehong 40-19.

Abante pa ng lima ang Houston sa final 36 second ng regulation pero dalawang tres ng Boston – huli ang buzzer-beater ni Jaylen Brown – ang pumuwer­sa sa extra time.

Hindi nadiskaril ang pang-anim na sunod na panalo ng Rockets nang magsalpak ng dalawang free throw si Harden 25 second na lang sa OT para sa isang puntos na abante bago binulabog ni PJ Tucker ang midrange jumper ni Brown.

“We had a lot of attention on James Harden,­ and we forgot the other MVP over there,” himutok ni Brown.

Tumapos si Westbrook ng 41 point, malamya ang shooting ni Harden pero nagsumite ng 21.

Nag-a-average si Harden ng 35 point pero naigapos sa 9 pts. mula 3 of 12 shooting sa final 29 minute. Scoreless siya sa buong fourth. May palamuti pang 8 rebound at 5 assist si Westbrook, umiskor ng 18 sa second half at tatlo pa sa OT.

“You can’t go to the supermarket and buy heart. He has it,” ani Houston coach Mike D’Antoni sa determinasyon ni Westbrook.

Lumayo ng hanggang 17 ang Boston sa first half.

Umiskor si Westbrook ng at least 20 point sa pang-30 sunod na laro para samahan si Harden na may 34 straight 20+ point ngayong season. Ayon sa ESPN, sila ang unang­ teammate na may 20 point sa 30 o higit pang laro pagkatapos nina Jerry West at Elgin Baylor sa Lakers noong 1961-62. (VE)