Hari ng illegal POGO taga-Davao

Isang Chinese trader na minsang nakaladkad sa kontrobersiya ang itinuturong nagmamay-ari ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na pinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Miyerkoles dahil sa hindi pagbabayad ng buwis.

Ang naturang negosyante na minsang nakaladkad sa drug scandal ay nakabase umano sa Davao City.

Malakas din umano ito sa ambassador ng bansang China.

Ito umano ang nagmamay-ari ng Great Empire Gaming and Amusement Corp.
(GEGAC) na pinasara ng BIR kahapon dahil sa hindi pagbabayad ng buwis.
Ang GEGAC ay may tanggapan sa Eastwood sa Libis, Quezon City, Aseana City sa Pasay at Subic Freeport. Ang negosyante rin umano ang nagmamay-ari ng malaking POGO sa Cebu City.

Umaabot sa 8,000 empleyado ang nagtatrabaho sa mga POGO ng nasabing negos­yante, karamihan ay mga Chinese. Sa tanggapan nito sa Libis, nasa 2,000 Chinese ang nagtatrabaho dito.

Malakas ang loob ng negosyante dahil nag-operate ito kahit walang permiso mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. Hindi rin rehistrado ang kompanya sa BIR.

“Results of the investigation showed that GEGAC is not registered for VAT (value-ad­ded taxes) purposes violating the Section 108 vis-a-vis with Section 115 of the Tax Code as certified by the Revenue District Office 019 – Subic Bay Freeport Zone,” ayon sa statement na nilabas ng tanggapan ni BIR Commissioner Caesar Dulay Kasama ni BIR deputy commissioner for operations Arnel SD. Buballa ang Department of Finance (DOF) at mga pulis nang ihain nito ang closure order sa tanggapan ng GEGAC sa Quezon City kahapon.

Naghihigpit ang DOF sa mga POGO dahil hindi nito binabayaran ang buwis ng mga manggagawa nitong karamihang Chinese na higit na malalaki ang mga suweldo kumpara sa mga Pilipino.

Bukod sa hindi pagbabayad ng buwis, marami na ang nagpahayag ng alinlangan sa pag-usbong ng mga POGO sa bansa. Isa sa mga ikinababahala ng ilang policy maker ay maaaring nagagamit na ang mga ito para sa money laundering kung saan ang mga pe­rang nakuha sa mga iligal na gawain tulad ng kidnapping for ransom at drug trafficking ay naibabalik sa pormal na financial system at napapakinabangan ng masasamang loob.