Una ay “Beat L.A.!” ang umaalingawngaw sa TD Garden sa Boston.
Maya-maya, binu-boo na ng home crowd ang Celtics habang papunta na sa pangalawang sunod na talo sa Los Angeles.
Isang araw matapos mag-rally ang Lakers mula 18 points down para manalo sa Boston, binura ng bagong-bihis na Clippers ang 28-point deficit para hiyain ang Celtics, 123-112, Sabado ng gabi.
“We didn’t have it. We didn’t have anything. To pull it out was special,” bulalas ni LA coach Doc Rivers, giniyahan ang Boston sa 2008 NBA championship.
Nakapuwersa ng dalawang turnovers si Montrezl Harrell sa final 2 minutes, nagsalpak si Patrick Beverley ng dalawang 3-pointers sa harap ng Boston bench at kumalas ang Clippers.
Tumapos si Harrell ng 21 points, nagsumite si Danilo Gallinari ng 19 points at 10 rebounds sa Clippers. Nilista ni trade deadline acquisition Landry Shame ang 13 sa kanyang 17 points sa fourth quarter para sa LA.
Nagsumite si Gordon Hayward ng 19 points, may tig-16 sina Jayson Tatum at Terry Rozier sa Celtics na sa nakalipas na 15 taon ay ngayon lang napakawalan ang ganu’n kalaking lamang.
Inabot ng sprained knee si Kyrie Irving sa second quarter habang lamang ang Boston, umiskor ng 15 straight at tinapos ang first na abante ng 23. Pinabuka pa nila sa 68-40 sa second at 74-53 sa halftime. Na-outscore naman sila ng Clippers, 28-12, sa third.
May 14 points at 2 assists si Irving bago umalog ang kanang tuhod habang dumidepensa.