Harris, Aces pinag-impake si Murphy, SMB malas!

Bakasyon na ang San Miguel Beer, sinipa ng Alaska 96-85 sa Cuneta Astrodome Miyerkoles ng gabi.

Armado ng twice-to-beat, hindi pinaporma ng Aces ang Beermen sa quarterfinals para bumiyahe sa semifinals ng PBA Governors Cup.

Nagsumite ng 25 points at 17 rebounds si Mike Harris, may 15 points si Simon Enciso, off the bench ay umayuda ng 14 points si Vic Manuel at 10 pa kay Jeron Teng sa Aces.

Hihintayin ng Alaska sa semis ang winner ng Meralco-Phoenix series.

Sa first game, sini­guro ni Allen Durham na hindi pa matatapos ang season ng Meralco nang pangunahan ang second half assault ng Bolts para itumba ang Phoenix 90-74.

Nakapuwersa ang Meralco ng win-once scenario sa kanilang quarterfinals duel ng twice-to-beat Fuel Masters.

Ikinalat ni Durham ang 18 sa kanyang team-high 26 points pagkatapos ng break, pumutok din sina Chris Newsome at Baser Amer.

“It’s just one game, we need two,” ani coach Norman Black.

Nabuhayan ang Bolts, isang panalo pa ang kailangan para bumalik sa semifinals ng torneo at habulin ang titulo na dalawang taong nakawala sa kanila dahil sa Ginebra.

“We just have to go out, try to win one more game to make it to the semifinals,” dagdag ni Black. “That’s gping to be our focus tomorrow in practice. Try to correct whatever errors we had today and try to come out better.”

Nagdagdag si Durham ng 16 rebounds, 4 assists at 3 blocks. Nagdagdag si Newsome ng 16 points, may 14 points ay 6 assists si Amer.

May double-double sina Eugene Phelps (27 points, 17 rebounds) at Calvin Abueva (18 at 12) pero hindi nai­salba ang Fuel Masters. Fouled out pa si Abueva 3 minutes pa sa laro at naghahabol ang Phoenix 83-63.