Diniskaril ni Joe Harris ang palabas ni Stephen Curry sa sariling bayan, nau­ngusan ng Brooklyn Nets sharpshooter ang marksman ng Golden State Warriors para itaas ang tropeo ng NBA All-Star 3-point contest nitong Sabado (Linggo sa Manila) sa Charlotte.

Sa isang stretch sa final round, nagtuhog ng 12 sunod na basket si Harris tungo sa 26 points.

Close second si Curry sa final round sa isinumiteng 24, third si Buddy Hield ng Sacramento Kings sa 19.

“Obviously, it’s incredible,” bulalas ni Harris. “Steph is the greatest shooter of all time. But, again, shooting off of the rack for a minute is not indicative of being a better shooter than Steph ­Curry. I don’t want anybody to get it twisted at all.”

Pasok ang unang siyam na bitaw ni Curry sa first round pero 3 for 5 lang sa tuktok.

Nangibabaw pa rin si Curry sa first round sa 27 points ng possible 34. Pa­ngalawa si Hield (26), sinelyuhan ni Harris (25) ang huling silya sa finals.

Pito sa 10 contestants ng event ang nalaglag sa unang sultada.

Pasok ang huling pitong tira ni defending champion Devin Booker ng Phoenixs Suns pero nagkasya lang sa 23, kabuhol si Danny Green ng San ­Antonio Spurs.

Kinapos din sina Dirk Nowitzki (17) ng Dallas Mavericks, Damian Lillard (17) ng Portland, Seth Curry (16) ng Trail Blazers, hometown bet Kemba Walker (15) ng Hornets, at Khris Middleton (11) ng Milwaukee Bucks.