Harris out, Brownlee in

paul-harris-justin-brownlee

Tinapik ng Ginebra si Justin Brownlee para pansamantalang humalili kay injures Paul Harris bilang import sa PBA Governor’s Cup.

Sa text message ni Gin Kings coach Tim Cone, inaasahang sa Huwebes ay darating na si Brownlee bago ang laro nila kontra Alaska sa Linggo.

Nabalian ng kanang hinlalaking daliri sa kamay si Harris bago nakumpleto ang 93-85 conference debut ng Ginebra kontra GlobalPort noong Sabado.

Tatlong oras sumailalim sa operasyon si Harris sa St. Luke’s sa Global City, pinauwi na rin kinabukasan. Isang buwan inaasahang ipapahinga si Harris.

Sinabi ni team governor Alfrancis Chua na inilagay si Harris sa injured reserve list. Kahit nagpapagaling, mananatili siyang reinforcement ng Ginebra.

“Wala siyang poproblemahin kundi ang paggaling agad dahil he would still be our import once he recovers,” ani Chua. “Talagang bent kami on keeping him dahil well-liked siya ni coach Tim, ng mga local teammates niya and sobrang napakasipag sa practice at laro.”

Produkto ng St. John’s Red Storm si Brownlee, 28, pero undrafted noong 2011 NBA draft. Nakapaglaro na siya sa Europe at NBA D-League.

Nakalista si Brownlee bilang 6-foot-7, pero inaasahang papasa siya sa 6-5 limit sa season-ending conference.