‘Sobrang lala’ ang description ni Yen Santos sa halikan nila ni Hashtag Kid Yambao sa pelikulang “Two Love You” kaya kailangan daw itong ipa-edit.

Sey ng Kapamilya actress, wala naman daw lumabas na dila pero hindi raw nila in-expect na magiging ganu’n ‘yung kissing scene.

Nu’ng pinanood daw ito ng producer nila na si Ogie Diaz ay sinabi nito na masyado ‘yung halikan, so pina-edit nito.

Ani Yen, masarap ang halik ni Kid dahil bagets ito. At first time nitong makipaghalikan sa screen, so siya raw ang ‘nagbinyag’ dito.

Nakahalikan na niya sina Albert Martinez, Piolo Pascual at Jericho Rosales, pero magkakaiba raw ng lasa ang mga ito. Parang lasang gatas daw ‘yung halik ni Kid dahil bagets nga.

26-anyos si Yen at 20-anyos naman si Kid.

Bongga ang deklarasyon ni Yen sa presscon ng “Two Love You” kahapon na open daw siya na makipagrelasyon sa isang tomboy.

Nasabi raw niya ‘yon dahil naniniwala siya na ang love ay hindi nakikita sa gender. May mga kaibigan daw siya na bading at lesbian na may ganu’ng relasyon at nakikita raw niya sa mga ito ang true love.

“Open din po talaga ako. Kasi, hindi mo naman masasabi, eh. Baka bukas, meron kang makilala na lesbian, na bigla kang mainlab, kasi binibigyan ka niya ng tamang pagmamahal na hindi mo nakukuha sa iba o sa mga naging past mo. ‘Yung mga ganu’n po,” pakli ni Yen.

Nu’ng grade school ay may mga nagpakyut daw sa kanya na tomboy pero hindi seryosohan. Wala pa raw talagang nanligaw o pumorma sa kanya.

Open din daw si Yen sa bading. May nanligaw pala sa kanya before na later on ay nalaman niyang nag-out na at baklush na.

Katwiran ng “Halik” star, hindi niya alam kung anong itinadhana para sa kanya, so open siya sa kung anuman ‘yon.

Nu’ng open forum ay nabanggit ni Yen na nagmumog siya after ng kissing scene nila ng gay comedian na si Lassy Marquez na bida sa movie.

Nang matsika namin siya after ay ayaw na niyang sagutin kung may halikan ba sila ni Lassy.

After ng matinding dramahan sa “Halik” ay happy si Yen na light naman ang ginawa niyang movie na drama at comedy.

Ang galing daw umarte nina Lassy at MC sa “Two Love You”. May kurot daw sa puso at maraming life lessons na mapupulot dito.

Released by Viva Films, sa November 13 ang showing ng “Two Love You” in cinemas nationwide directed by Benedict Mique.

Ion ‘di kayang lokohin si Vice

Inamin ni Hashtag Kid Yambao na nadala siya sa halikan nila ni Yen Santos dahil ang haba raw ng nasabing kissing scene.

Mula raw kasi sa hallway, papasok sa pintuan ang eksena nilang ‘yon sa movie na “Two Love You”.

Kung nasarapan si Yen sa bagets na si Kid, si Kid naman ay mas nasasarapan sa mas matanda sa kanya. Kahit 10 years daw ang age gap nila ay okey sa kanya.

Nu’ng 16 pala si Kid ay may syota-syota siyang 10 years ang tanda sa kanya. Wala raw siyang nakarelasyon na kaedad niya o mas bata sa kanya.

Iba rin ang 20-anyos na si Kid, ‘di ba? Cougar killer pala ang peg! Ha! Ha!

Sa lahi raw kasi nila, ang erpats niya at lolo niya ay mas matatanda rin ang babae. At base sa experience niya ay mas masarap ang matatanda, kasi ‘yun lang din daw ang natikman niya.

Open si Yen sa tomboy. Si Kid kaya ay open din sa bading?

Oo raw, sey ng Hashtag member. Hindi raw niya kasi alam kung kanino ba siya babagsak—kung sa lalaki ba o sa babae.

Naligawan na raw ng bading noon si Kid at may nag-offer na sa kanya ng bahay at lupa, pero ayaw niya raw.

Gusto niya raw kasi ay pinagtatrabahuhan niya. At kung papatol daw siguro siya ay dahil sa love, hindi dahil sa pera.

Close pareho si Kid kay Vice Ganda at sa boyfriend nito na si Ion Perez. Nu’ng bago pa lang si Ion sa “It’s Showtime” at wala pa itong kakilala ay siya raw ang unang naging kaibigan nito.

Boto raw si Kid kay Ion para sa kanyang Meme Vice dahil nakikita niya ‘yung pagiging seryoso nito at ‘yung pag-aalaga nito kay Vice.

“Hindi ko nakikita na kaya niyang (Ion) lokohin ‘yung Nanay (Vice) ko,” sambit ni Kid.

Aniya, totoong nagmamahalan ang dalawa. Hindi raw dahil sa pera o sa kasikatan kaya nakipagrelasyon si Ion kay Vice. Sa pagkakakilala niya rito ay hindi raw nito ginagamit si Vice.

“At saka walang iba na gumawa ng ganu’n, ha? ‘Yung ginawa ni Ion, wala akong nakitang totoong lalaki na gumawa ng gano’n para sa karelasyon niya (na bading), ‘di ba?”

So, ‘pag kinasal sina Vice at Ion, siya ang best man?

“Naman!! Magtatampo ako sa inyo ‘pag hindi! Ganu’n! Magtatampo ako,” natatawang mensahe ni Kid para sa magkasintahang Vice at Ion.

Super saya raw ng 20-anyos na Hashtag member at meron na siyang first movie. Nakaka-pressure din daw pero feeling niya ay blessed siya.

Abangan daw kung may kissing scene sila ni Lassy Marquez na bida sa movie.

Ang sabi sa amin ni Kid, open naman siya sa mga bagay na hindi niya pa nagagawa kung maganda ang kalalabasan nito.

PAK!!