Hashtag Nikko minura ang nanay ng fan

Lumabas sa thread ng netizen na nagngangalang Aybie ang tungkol sa hinaing nito sa miyembro ng Hashtags na si Nikko Natividad na sinasabing minura raw nito ang ina niya.

Base sa kanyang tweet ang pambabastos daw nito sa kanyang ina na humantong pa sa pagsasabi nitong F*****Y****. Sa isang clothing boutique sa Trinoma naganap ang sinasabi ni Aybie na insidenteng muntikan nang magkagulo.

Nais lamang daw nilang magpakuha ng litrato pero nainis daw silang mag-ina dahil sa asta ng tila asawa ni Nikko na nakabantay sa kanya. Pinapalabas na medyo may pagkamailap ang aktor.

Sa inis daw ng ina ni Aybie ay nakapagsalita ito nang hindi kanais-nais.

Pa-shades-shades pa raw ito na akala mo ay sikat. Salitang narinig ng aktor kaya kinainis nito at binalikan daw ang ina at nagmura. Dahil nasaktan ang mga anak ng sinasabing ina ay muntikan na nilang masaktan si Nikko.

Buti na lamang ay naawat. Hindi na lamang daw nahiya ang Hashtags member sa inasal, naro’n pa man daw ang anak nito.

Ayon naman sa aming source na malapit kay Nikko, naroon daw siya mismo sa pangyayari. Inamin nitong nakapagmura talaga ang aktor pero hindi raw nito masisisi kung ganito ang inasal niya.

Kasama raw ng sinasabing ina ni Aybie ang mga kapatid nito na naroon din sa boutique. Hindi naman daw talaga nila intensyon ang magpakuha lang ng picture. Kasi kung ito lang ang pakay nila ay bakit naman daw ipagdadamot ni Nikko. Bilang artista ay alam niyang bahagi ito ng kanilang trabaho at ikinatutuwa pa nga nila dahil ibig sabihin kilala na sila.

Marami umanong sinasabi ang ginang na ito kay Nikko maging ang mga anak na kasama niya. Kesyo mas guwapo pa raw ang isang artista ng Siyete at miyembro ng Ex-Battalion kesa kay Nikko. Nagpanting na raw ang tenga ng Hashtags member nang sabihin nilang pa-shades-shades pa akala mo sikat. Hindi rin naman daw masyadong gwapo. Marami raw nakakarinig na parang pakiramdam nito ay pinapahiya na siya.

Bilang tao ay ipinagtanggol lamang daw niya ang kanyang sarili na hindi porke artista ay tatratuhin ng ganun. Umalma raw ang pamilya ng ginang dahil alam nilang siya umano ang pinapatungkulan nito. Alam daw ng mga taga-clothing line boutique na ‘yun ang buong pangyayari.