Hati ang opinyon sa pagpapalibing kay FM

Dear Sir:

Hati ang opinyon ng masa tungkol sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa nalalapit na paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa ika-18 ng Setyembre sa Libingan ng mga bayani.

Tutol dito ang mga kaanak at mga naging biktima ng diktaturyang rehimen sa panahon ni Marcos.

Nais harangin ng mga biktima at ilang mambabatas ang nasabing pagpapalibing, kung sabagay kahit ilang dekada na ang nakalipas hindi madali para sa mga biktima at mga kaanak na tanggapin na maihihimlay si dating Pangulong Marcos sa Li­bingan ng mga bayani, lalo na at itinuturing siyang isa sa dahilan sa pagkamatay at pagkawala ng mara­ming aktibista sa panahon ng Martial Law.

Nahahati nanaman ang mga Pilipino sa kwestyonable at kontrobersyal na pagpapali­bing sa yumaong Marcos.

Kung bakit kasi nakikipagmatigasan ang pamilyang Marcos na mailibing ang kanilang padre de pamilya sa Libingan ng mga Bayani kahit batid nilang sangkot ito sa pandarambong at paglabag sa karapatang pantao bagay na sadyang hindi talaga papaboran ng nakararami.

Sa kabilang banda hindi rin natin masisisi ang mga biktima dahil sa hirap at trauma na dinanas nila sa Batas Militar sa panahon ni dating Pangulong Marcos.

Tuluyan na nga bang magiging bahagi na lamang ng kasaysayan ng Pilipinas ang mga taong naging biktima at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang iba?

Ngunit sa palagay ko, mas makakabuti na pa­kawalan na lamang ang nakaraan at bigyan pansin ang kasalukuyang kinahakarap na suliranin ng bansa.

Hindi na kayang ibalik ang mga pangyayari sa nakaraan at mga buhay na nawala. Hindi na dapat isabay sa problemang kinakaharap ng bansa ang taong matagal ng namayapa.

— Ann Klein D. Flores

Bataan