Dear Atty,
Magandang araw po. Tanong ko lang po nagpatayo po ako ng bahay sa medyo gitna na lupain namin.
Mga dalawa pa ang kasyang bahay sa likod at isa pa ang kasya sa harap. Malaki po ang nasakop ng kinatitirikan ng bahay ko at ‘yung sa harap ngayon po ay gusto na ng mga kapatid ko na hatiin sa kanya kanya.
Tatlo po kami paano po kaya hatiin ito?
Salamat po,
Ramir
Mr. Ramir,
Ang hatian sa lupa kung namana ninyo ito ay dapat pantay-pantay. Kahit na nakapag patayo ka ng bahay sa mas malaking area ay dapat na mahati ang lupa ng pantay-pantay maliban lamang kung papayag ang mga kapatid mo na iyang nasasakupan mo ang maging parte mo at bayaran mo na lamang ang nakuha mong portion nila.
Kung sakali na talagang hindi sila papayag na sa iyo mapunta ang gitna ng inyong lupain at tutol sila sa pagpapatayo mo ng bahay at hindi na madadaan sa isang kasunduan ay maaari nang idulog sa korte ang usapin upang madesisyunan kung dapat mo bang mapanatili ang bahay mo sa gitna o dapat na mahati ng pantay-pantay ang lupa na maaaring maapektuhan ang bahay na pinatayo mo nang hindi pa nahahati ng tama ang inyong lupa.
Kung hindi nila alam ang pagpapatayo mo ng bahay at naapektuhan ang portion ng co-owner mo ay maaari pa nilang ikonsidera ka na builder in good faith at ipademolish ang bahay na pinatayo mo.
Hindi kasi dapat muna nagpapatayo ang isang co-owner ng anumang improvement kung wala pa talagang opisyal na hatian dahil sa wala pang katiyakan ang portion na mapupunta sa bawat isa.
Kung sakali man na magpapatayo ka ay ipaalam sa mga co-owner at hatiin na ang lupa upang hindi na magkaproblema pa sa mga susunod na panahon.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com