Hawks tiniris ni Harden, Rockets

PAK NA PAK!

Minadali ng Houston Rockets ang Atlanta Hawks 121-105 Martes ng gabi.

Nagsumite si James Harden ng 31 points at 10 assists, may 26 points at 11 rebounds si Clint Capela para ihatid ang Houston sa pangatlong sunod na panalo.

Hindi man lang nakapalag ang Hawks, walang nagawa kahit ang 21 points at 12 assists ni Trae Young at 20 points, 10 rebounds ni John Collins.

Kumapit ang Rockets (45-26) sa third ng Western Conference, sa likod ng Golden State (48-22) at Denver (47-22).

Mukhang papunta sa NBA draft lottery ang Hawks (24-48) na nasa No. 12 sa East.

Lumalapit din si Harden sa record ni Michael Jordan noong 1988-89 na nag-iisang player na nag-average ng 30 points, 7 assists, 6 rebounds at 2 steals.

Umayuda si Chris Paul ng 13 points, 11 assists at 3 steals kontra iisang turnover para sa Houston. Noong isang buwan ay sinamahan ni Paul sina Oscar Robertson, Magic Johnson, John Stockton at Jason Kidd bilang tanging players na may 17,000 points, 9,000 assists at 4,000 rebounds.

Kinumpleto ni Capela ang pang-anim na sunod niyan
g double-double at 37th overall.

Sa first half ay inalat pa sa long range ang Houston, sablay ang 13 sa first 15 attempts at 4 for 21 total sa first two quarters.

Nakuha ng Rockets ang ritmo pagbalik mula sa break, nagbaon ng walong 3s para kontrolin ang laro.

Lamang ng dalawa ang Atlanta sa kaagahan ng third sa 3 ni Dewayne Dedmon, pero hindi tumagal dahil sumagot agad ng tig-isang tres sina PJ Tucker, Paul at Harden tungo sa 68-61 Rockets lead. Tumawag ng timeout ang Hawks, pagbalik ay tig-isang 3 na naman ang pinakawalan nina Harden at Tucker.
Tumapos ang Houston ng 19 3s. (VE)