Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
12:00 noon — San Sebastian vs. Perpetual (srs)
2:00 p.m. — EAC vs. San Beda (srs)
4:00 p.m. — St. Benilde vs. Arellano (srs)
Sumalaksak sa gitna sabay ikot sa kanan si Jasper Ayaay para isalpak ang pahirapang lay up at tinalbos ng Lyceum of the Philippines Pirates ang defending champion Letran Knights 68-66 kahapon sa 92nd NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan.
Tabla ang iskor nang mahablot ng Pirates ang rebound 11 seconds pa sa laro.
Agad binigay ang bola kay Ayaay, nagdribol papunta sa kanilang court, inikutan ang kalaban at kahit dalawa ang sumabay ay naibuslo pa rin ang lay up, 3 seconds na lang sa orasan.
“Makinig lang kami sa mga coach namin, mananalo kami,” saad ni Ayaay. “Pinapraktis namin ‘yun pag nalalamangan kami.”
Wala ng timeout ang Letran, binato na lang ang bola sa kabila at muntik pang pumasok.
Inari ng Pirates ang Knights ngayong season, dalawang beses nang tinitisod ang kapitbahay sa Intramuros. Pinagpag ng Lyceum ang Letran 75-72 sa first round.
Si Wilson Baltazar ang namuno sa opensa ng Lyceum sa 18 puntos, tumapos ng 16 si Ayaay.
Bumira si Rey Nambatac ng 24 markers sa Letran.
Pumihit naman ng sasandalan ang JRU sa unang laro.
Kumana ng clutch baskets si point guard Teytey Teodoro para bitbitin ang Heavy Bombers sa 65-60 panalo kontra matigas na Mapua Cardinals.
Nagsalpak ng tres at lay up si Teodoro para ilagay ang Kalentong-based squad sa unahan 65-58 may 1:18 minuto na lang sa orasan.
“We all know what Teodoro can do, he’s really our go-to-guy,” saad ni JRU coach Vergel Meneses.
Tumipa si Teodoro ang 22 points mula sa 4-of-7 sa shooting para sa unang panalo ng JRU sa second round at sinaluhan sa fifth place ang Lyceum at Letran sa 5-5 records.