Hazard pay sa lahat ng frontliner itinulak ni Rep. Yap

Isinulong ni ACT-CIS Cong. Eric Yap na bigyan ng hazard pay ang lahat ng frontliners sa COVID-19, pribado man o sa gobyerno na kinabibilangan ng mga medical professional at hospital aides na nakadestino sa iba’t-ibang pagamutan sa bansa.

Ayon kay Cong Yap. gawing standard ang rate na ibibigay na hazard pay sa mga frontliners.

Sinabi ng mambabatas, nakatanggap siya ng reklamo na may ilang nurse na nagrereklamo dahil 200 lang ang ibinibigay na hazard pay sa kanila sa kabila ng mahirap at buwis buhay nilang trabaho.

“The mere fact na naroon ka araw-araw kasama ang pasyente na may COVID-19 ay nilalagay mo na ang buhay mo sa alanganin tapos ang ibibigy lang sayo na hazard ay P200 to P500 sa isang buwan”?, anang mambabatas na siyang chairman ng Appropriations Committee.

Ani Yap, sa ngayon ay pinag-aaralan na niya kung magkano at kung puwedeng iparehas na lang ang hazard pay per day ng mga doktor sa buong bansa na direktang nakikisalamuha sa mga COVID-19 patients.

Isasama na rin ni Cong Yap sa kanyang panukala ang mga hospital aides o assistants na naghahatid ng mga pagkain at naglilinis ng mga kuwarto o wards ng mga COVID patients na mabigyan din ng hazard pay araw-araw.

“Di ba sabi natin itong Covid ay isang giyera. Ang mga sundalo at pulis pag-pumunta sa giyera o magpapatrolya, ay may hazard pay dahil delikado ang kanilang pupuntahan. Nararapat lamang na itong mga medical professionals at mga aides at assistants nila mabigyan din ng kahalintulad na bayad”, ani Yap.