Pasado na sa Kamara ang panukalang ‘Philippine National Performing Arts Companies Act’ (HB 7785) na naglalayong lalong pasiglahin ang sining pang-entablado at kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pagtatalaga ng balangkas at mga pamantayan sa pagpili ng karapat-dapat na mga ‘national performing arts company’ (NPAC) at pagbibigay ng suporta sa kanila ng estado.
Pasado na rin sa Senado ang katumbas nitong panukalang batas.
Akda ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang HB 7785 na kapag naisabatas na ay magkakaloob ng P5 milyon hanggang P10 milyon sa mapipling mga NPAC taon-taon sa loob ng limang taon para sila’y matulungan at kilalanin ang kahalagahan ng kanilang ambag sa pagpapanatili at lalong pagpapakinang sa sining at kulturang Pilipino at sa pangkalahatang pagsulong ng bansa.
Ayon kay Salceda, ang mapipiling National Ballet/Contemporary Dance Company, National Theater Company, at National Orchestra ay tatanggap ng tig-P10 milyon taon-taon sa loob ng limang taon, samantalang ang mapipili namang National Choral Group at National String Ensemble ay pagkakalooban ng tig-P5 milyon taon-taon sa loob din ng limang taon.