Hiniling ng isang mambabatas sa Department of Justice (DOJ) na maglabas ng hold departure order (HDO) laban sa mga opisyal ng Verde Soko Industrial Philippines na nahaharap sa kaso dahil sa pang-angkat ng mga basura mula sa South Korea.
Kinasuhan ang mga opisyal ng Verde Soko dahil sa paglabag sa Republic Act 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990 dahil sa illegal importation ng tone-toneladang basura galing South Korea.
Ayon kay Misamis Oriental Rep. Juliet Uy, isa sa mga nagsampa ng reklamo, kailangang maglabas ng HDO ang DOJ upang hindi makalabas ng bansa ang mga Pilipino at South Korean official ng Verde Soko at harapin ang kaso laban sa kanila.
Umabot ng 6,500 metriko tonelada ng mga plastic waste ang inangkat ng Verde Soko mula sa Pyeongtaek, South Korea noong 2018.
Sabi ng kompanya, gagamitin ang mga basura para sa kanilang recycling facility sa Phividec Industrial Estate complex na matatagpuan sa Sitio Buguac, Brgy. Sta. Cruz, Tagoloan, Misamis Oriental.
Gayunman, inihayag ng Bureau of Customs na walang import permit ang Verde Soko mula sa Department of Environment and Natural Resources para sa kanilang shipment.
Kabilang sa mga opisyal ng Verde Soko na kinasuhan sa illegal importation ng mga plastic waste ay kinilalang sina Chu Soo Cho alyas ‘Charles Cho’, Jae Ryang Cho, at Sena Na, pawang South Korean national, at ang company president na si Neil Alburo, isang Pilipino. (PNA)