Health expert: Mga pasaway sa quarantine kausapin ‘wag hulihin

Hindi umano makakatulong ang banta ng Department of Justice (DOJ) na aarestuhin ang mga hindi susunod sa Enhanced Community Quarantine.

Ito ang inihayag ni Dr. Susan Mercado, special envoy ng Presidente for global health initiatives at dating nagtrabaho sa World Health Organization (WHO), dahil anumang uri ng pamimilit sa mga mamamayan ay maaaring magresulta ng negatibong epekto.

Una nang nagbanta si Justice Secretary Menardo Guevarra na huhulihin ang mga lalabag sa mga alituntunin sa ipatutupad na Luzon-wide lockdown.

Ito ay kapag tumutol at ‘di iginalang ang person in authority at maaari silang makasuhan ng direct assault sa ilalim ng Revised Penal Code, kung saan maaari silang makulong ng 6 na araw hanggang 6 na taon at multang P100,000- P200,000. Sinabi ni Mercado na sa halip bantaan ang mga mamamayan dapat na ‘psychosocial’ na suporta ang dapat na ibigay sa kanila.

“Dapat nating unawain na ang taong may sakit, may kaba, meron din silang nararamdaman sa kanilang sarili at siguro nag-aalala din sila sa kung anong mangyayari sa pamilya nila,” ayon kay Mercado.

Posible na hindi makasunod ang iba dahil hindi nila alam na may pangamba ka at hindi nila matanggap.

“Kailangan po nating magbigay ng psychosocial support para du’n sa ayaw sumunod… Itong mga mental health workers natin, social health workers, psychologists, mag-volunteer naman kayo na tumulong na,” dagdag ni Mercado. (Juliet de Loza-Cudia)