Heart binalaan ng iwas-budol sa Twitter

NI: VINIA VIVAR

Nakakatuwa si Heart Evangelista dahil araw-araw ay may 5 netizen siyang tinutugunan na humihingi ng tulong sa kanya. Kung bakit 5 lang, ito lang daw ang allowed niyang tulungan online.

“Unfortunately I can only help 5 a day because there is now a limit sa online,” ang paliwanag ni Heart sa mga netizens sa Twitter.

Hindi naman alam kung bakit limitado ang bilang ng gusto mong tulungan pero nevertheless ay sobrang kapuri-puri pa rin si Heart sa kanyang ginagawang pagtulong ng 5 katao sa araw-araw.

Marami sa mga lumalapit kay Heart sa Twitter ay humihingi ng pambili ng gamot para sa mga sakit nila tulad ng high blood, diabetis, etc, pagkain, pambili ng gatas at diaper sa mga anak. May nabasa pa kaming nanghihingi ng pagkain para sa kanyang pusa dahil walang-wala raw siya ngayon.

Pero marami ring netizens ang nag-aalala kay Heart dahil baka marami raw ang mag-take advantage sa aktres dahil dito.

“Sana di ka nabudol. Nabudol na kasi ako dito sa Twitter. Many months ago a guy asked for donations kasi namatay nanay nya so I transfered a decent amount of money. Then after a few weeks nagtweet sya ng bagong kotse nya. Sobrang nag cringe ako. Madami sigurong nabudol si gago,” komento ng isang Twitter user.

Ang iba naman ay pinapayuhan si Heart na humingi ng katibayan sa mga humihingi ng tulong kung talagang totoong nangangailangan ang mga ito.

Of course, everyone’s praising Heart for her good deeds. Nababasa at nakikita namin sa Twitter ang mga taong natulungan na niya and in fairness ay napakarami na rin.