Malaking pasasalamat ni Heart Evangelista na hanggang ngayon ay active pa rin ang kanyang movie career.

Noon kasi ay hinuhulaan na hindi siya magtatagal sa industriya. Kumbaga, gusto lang maranasan kung papaano ang nasa showbiz bilang artista.

Itinuturing din ni Heart na suwerte para sa kanya ang kanyang husband na si Senator Francis “Chiz” Escudero. Hindi kasi tinutulan ang kanyang pag-aartista kahit mag-asawa na sila.

Magaling magbalanse ng kanyang oras at panahon ang Kapuso actress bilang wife at artista.

“Wala talagang naging problema. Kasi alam naman ni senator na mahal ko ang trabaho ko sa showbiz,” sambit niya.

Lagi niyang pinaghuhusayan ang bawat project na ibinibigay sa kanya ng Kapuso. Wala na siya sa stage na kailangang makipagtalbugan pa.

“Ah, oo. Sa akin, wala na ‘yung pakikipagkumpitensiya na ganyan. Siguro, nu’ng nasa ABS pa ako, ganyan. Kasi, bagets ka pa kaya kailangang patunayan mo ang sa­rili mo. Sa ngayon, trabaho na lang ang pahalagahan mo para mas magtagal ka pa sa business na ‘to,” deklara pa ni Heart.