Heaven ipinalit ni McCoy kay Elisse

MILDRED BACUD: By next week ay magsisimula nang mag-shooting si Heaven Peralejo ng pelikulang “The Mirror,” na pagtatambalan nila ni McCoy de Leon. Ito mismo ang sabi niya sa amin nang makakuwentuhan namin. Posibleng sila na nga ang pagtatamba­lin ng Dos kung totoong ­buwag na ang McLisse.

Wala naman daw magiging problema kay Heaven dahil komportable na raw siyang katrabaho ang aktor. Nagkasama na sila sa isang episode ng “Ipaglaban Mo.” Pero aware ang young ­actress na maba-bash siya nang husto ng mga fan ng McLisse.

Sabi niya ay handa na naman daw siya sa mga basher. Expect na raw niya ito pero ang importante sa kanya ay ang trabaho.Wala raw siyang pana­hon sa mga negatibong kritisismo basta’t ginagawa lamang niya ang dapat at para sa trabaho.

Ang lahat daw ng efforts na ginagawa ni Heaven ay inaalay niya sa inang may kanser at patuloy na nagpapaga­ling.
Fans lamang ang nag-aaway raw, sila naman daw ni Elisse Joson ay okay ­naman bagaman hindi close friends.

RODEL FERNANDO: Ngayon pa lang ay exci­ted na kami sa pelikulang pagsasamahan nina Heaven at McCoy dahil nu’ng makita namin sila na magkasama sa 32nd Star Awards For TV ay puwede nga silang pagtambalin. Parehong may height at ­bagay sila.

Tama ka Mildred siguradong iba-bash si Heaven lalo na ng ibang McLisse fans pero huwag na lang niyang intindihin ‘yun. Naniniwala naman tayo na matalino niyang haharapin kung sakali mang i-bash siya.

Gandang-ganda kami sa batang ito. Siguradong malayo ang kanyang mararating dahil bukod sa kanyang beautiful face ay talented din siya. Sana totohanin niya ang kanyang sinabi na hindi siya magbabago ­kapag sikat na.

Sana rin pangatawanan din niya ang sinabi niyang career muna bago ang lovelife. Sayang naman kung mauudlot ang papaganda niyang karera. Naniniwala kasi kami na magiging heaven ang career niya sa nalalapit na panahon.

ROMMEL PLACENTE: Kung sina Hea­ven at McCoy na nga ang magiging loveteam at tuluyan nang bubuwagin ang McLisse (dahil nga sa balitang may kanya-kanyang karelasyon na ang dalawa) sa tingin namin ay tatangkilikin sila ng mga fan.

May chemistry ang dalawa. Maganda si Heaven at guwapo si McCoy. At siguro kaya sila kinuha ng Star Cinema na maging partner sa “The Mirror” ay kinaki­taan sila ng chemistry.

Hindi naman sila bibigyan ng isang mala­king pelikula ng nasabing movie outfit kung walang nakita sa kanila ng isang bagay na magki-click sila.

Pero isang malaking sugal din sa Star Cinema na binigyan sila ng pelikula together dahil hindi naman sila ang talagang loveteam. Kumbaga, wala pa silang nabubuong fan base. Pero once na tumabo sa ta­kilya ang movie, ‘yun na siguro ang magiging hudyat para sila na lang ang gawing loveteam ng ABS CBN. At kung mangyayari ‘yun, ihanda na lang ni Heaven ang sarili niya sa pamba-bash ng mga fan nina McCoy at Elisse na sabi nga niya sa atin, ngayon pa lang ay naba-bash na siya ng mga ito pero deadma lang siya. Hindi naman daw kasi siya palapatol sa bashers, huwag lang idadamay ang pamilya niya at du’n na siya aalma.

RONALINE AVECILLA: Bongga, sigu­radong aabangan ang dalawa ngayong magkapareha na sila. Pero siyempre, hindi maiiwasan na maintriga si Heaven lalo na at nakasanayan na ng tao ang McLisse. Kahit medyo nakakapanibago dahil sa nakasanayang love­team pero sa tingin namin ay kakagatin pa rin ng mga fan.

Pero may punto si Kuya Rommel. Parang sugal nga sa Star Cinema na pagtambalin agad ang dalawa ngayong hindi pa subok ang love­team nila. Or kasama ito sa gusto ng Star Cinema para may ‘shock value’ ang pagtatambal nilang dalawa. Talagang confident sila na pagsamahin kahit wala pang formal na pagpapakilala.

Ibig sabihin ay talagang naniniwala ang ABS-CBN na papatok ang loveteam nila. ‘Yan siguro ang dapat nating abangan.