Heber maraming giyera na pinagdaanan

May nag-text sa amin, ang sabi, “Kumusta ka na, Nay Cristy? Salamat, buhay pa tayo.” Sa unang basa ay parang nega ang dating ng mensahe, pero kapag may mga binalikan kang kuwento, maiintindihan mo kung bakit ganu’n kadiretso ang kanyang text.

Ang texter namin ay ang henyong kompositor at bokalista ng bandang Banyuhay na si Heber Bartolome. Idolo siya ng aming kabataan, dinadayo namin ang mga konsiyerto ng kanyang grupo kahit saan, hinawakan kasi kami agad sa leeg ng kanyang piyesang “Nena.”

Nu’ng nasa kolehiyo pa kami ay madalas ipakanta ng aming mga kaibigan ang panimula ng kantang “Nena.” Aliw na aliw sila sa mga linya.

Ang sabi, “Si ale kong Nena, magandang-maganda, nahulog sa balon, naging gumamela. Ipinagtatanong kung sino’ng kukuha, si mama kong Pepe, dala sa umaga.”

Binalangkas ni Heber Bartolome ang kuwento ng awiting “Nena” nu’ng tumutugtog pa sila ng kanyang mga kapatid na sina Jessie at Levy sa Olongapo.

Meron siyang nakakuwentuhang dalagang nagbebenta ng aliw sa mga banyagang sakay ng mga dumadaong na barko. Parang laging may fiesta sa red light district ng Gapo kapag ganu’n. Pista ng mga babaeng nagtitinda ng buhay na karne.

Nasa piyesang “Nena” ang buong kuwento kung bakit napilitang magbenta ng aliw ang babae. Nag-aaral siya, nagtatrabaho naman sa pabrika ang kanyang ama, hanggang sa pumanaw na rin ang kanyang ina.

Dahil sa pagpanaw ng kanyang mga magulang ay hindi na naipagpatuloy ni Nena ang kanyang pag-aaral. Walang katiyakan ang kanyang bukas.

Sabi sa komposisyon ni Heber, “Agaw-dilim, si Nena ay umaalis. Makapal ang make-up, maigsi ang damit. Ang itsura niya ay kaakit-akit, bukas na nang umaga ang kanyang balik.”

Lahat ng komposisyon ni Heber ay makabuluhan. Hindi mo ‘yun basta pakikinggan lang, nanamnamin mo ang kanyang mga liriko, dahil salamin ‘yun ng ating lipunan.

At bakit nga pala niya sinabing maraming salamat dahil buhay pa kami? Marami na kasing pinagdaanang giyera sa buhay si Heber Bartolome na kanyang pinagtagumpayan.

Kumbaga ay tapos na siya sa mga bagyo, kaya ang mga susunod ay ambon na lang, pero kakaiba itong COVID-19.

Sabi ni Heber, “Ang dami ko nang sakit. Ang iba, nalampasan ko na, pero ang iba, karga ko pa rin hanggang ngayon, kaya sanay na ako.

“Pero iba pa rin siyempre ang nag-iingat, dahil iba ito ngayon, ibang-iba,” sabi ng henyong singer-composer.

J Brothers may kanta sa mga pasaway

May kanta sa kanilang album ang J Brothers na ang titulo ay “Pasaway.” Si Jim Jimenez na drummer sa banda ng magkakapatid ang kumakanta ng piyesa.

Bagay na bagay sa mga panahong ito ang kanilang kanta, napakarami kasing pasaway ngayon na hindi sumusunod-nakikinig sa pinaiiral na enhanced community quarantine, kaya nag-aalala ang mayorya na baka magkaroon na naman ng ekstensiyon ang lockdown.

Meron naman silang tengang nakakarinig, may mga matang malinaw na nakakakita ng mga anunsiyo ng DOH, pero kung bakit gusto pa rin nilang lumabas ng bahay at magkumpul-kumpol sa kalye.

May mga kababayan kasi tayong nag-iilusyon na si Superman sila, walang kamatayan, nakakalimutan yata nila na si Superman man ay humihinto sa paglipad at nandu’n lang sa bubong ng mga gusali para makapagpahinga.

Pinaiigting na nga ng mga otoridad ang pagbabantay sa mga pasaway, pero marami pa ring singtingas ng bato ang mga ulo, wala silang pakialam na naglalabasan pa rin ng kanilang mga bahay para gumala nang gumala.

Paano naman ang kanilang kapwa na literal na sumusunod sa mga pinaiiral na pagbabawal ng DOH, paano magiging normal uli ang takbo ng ating buhay, kung ganyang napakaraming pasaway?

Ayaw talaga nila sa kaligtasan dahil kamatayan ang hinahamon nila. Hay, naku!