Sa ikalawang pagkakataon, ikinasal muli ang “America’s Got Talent” judge na si Heidi Klum, 46. Ito’y sa kanyang asawa na si Tom Kaulitz, 29, isang gitarista ng German rock band na “Tokio Hotel”.
Ayon sa People, ginanap ang prestihiyosong kasal sa isang yate sa Capri, Italy.
Nauna silang ikinasal nitong February 22 sa isang sikretong seremonya sa California, USA. Nag-propose sa kanya si Tom noong December 24, 2018 at inanunsyo ito sa Instagram.
Kabilang umano sa imbitado ang kaibigang modelo ni Heidi na si Tim Gunn, Twin Peaks star na si Kyle Mclachlan, sikat na designer na si Michaek Kors at ang kapwa hurado sa AGT na si Simon Cowell.
Maging ang mga anak ni Heidi sa kanyang dating asawa na si Henry Olusegun Adeola Samuel o mas kilala bilang si Seal, ay parte rin ng seremonya.
Ang yate na siyang venue ng kasalan ay ika-45 na pinakamalaking yate sa buong mundo. May sukat na 100 meters o tinatayang 342-feet ang haba.
Mayroon itong sariling helipad, ballroom, cinema, spa, restaurant, state apartment at ang grandiosang fantail pool na mayroong asul na minoan bull mosaic. (Ronaline Avecilla)