Helicopter para sa pulis ng Kyusi

punto-de-oro-box Gani Oro

Isa nang ganap na chief superintendent ang hepe ng Quezon City ­Police District na si ­Director Guillermo Eleazar. Katumbas ito ng ranggong heneral sa military service.

Akma lamang ang promosyon na ito para sa isang tagapaglingkod sa gobyerno na hindi matatawaran ang mga accomplishment sa loob pa lamang ng ilang buwan na pamumuno sa hanay ng pulisya sa lungsod ng Quezon.

Naging kasangga si Chief Supt. Eleazar sa laban ng administrasyon kontra droga sa QC. Tunay na kasangga rin siya ng mga residente ng Quezon City kontra krimen.

“Isa na sa pinakamagandang pamasko itong promosyon ko, ­pero lahat ng ito ay dahil din sa galing, sipag at dedikasyon ng mga pulis namin sa QCPD,” masayang sinabi ni Eleazar.

Partikular na nararapat na bigyan ng pagkilala ang mga pagsalakay na ginawa ng QCPD sa mga lugar na dati ay itinutu­ring na “untouchable” dahil naging pugad na ng mga notoryus na pusher­ at user.

Gaya na lamang ng malaking operasyon na ikinasa sa Brgy. Culiat at Brgy. Payatas na nagresulta sa pagkakadakip sa malaking bilang ng mga hinihinalang tulak at ­user ng droga.

Naging determinado rin si Chief Supt. Eleazar­ sa paglansag ng mga ­tinatawag na scalawag sa hanay ng QCPD. Ito ay iyong mga pulis sa QC na nabahiran na ng man­tsa dahil nasangkot sa iba’t ibang isyu o insidente ng katiwalian at maging sa kalakalakan ng droga.

Para sa kanya, ang pag­lilinis sa hanay ng QCPD ay isang masakit na proseso. Pero masakit man, pinili niyang magpatupad ng internal cleansing alang-alang sa pagtamo ng tunay na pagbabago. At karamihan sa mga napuntirya sa prose­song ito na maituturing na “transplant” ay mula sa Anti-Illegal Drugs Unit.

Naniniwala umano ­siya na kinakailangang alisin ang mga nabigong tumupad sa tungkulin para palitan ng mas aktibong mga tauhan at opisya­l na magseseryoso sa laban kontra droga.

Malaki rin ang naitulong ng pakikipag-ugna­yan ni Chief Supt. ­Eleazar sa mga community o purok leader sa iba’t ibang lugar sa lungsod dahil naging katuwang niya ang mga purok leader sa pagbabantay at pagtiyak ng kaayusan sa Quezon City. Naging aktibo sila sa pagsawata ng kaguluhan at pagbibigay ng impormas­yon sa pulisya tungkol sa mga banta sa seguridad.

Nagsagawa rin pala ang QCPD ng mga medical mission sa ilang lugar sa lungsod na nangangaila­ngan ng medikal na atensyon, pero ang bagay na ito ay tahimik lamang na naisakatuparan at mas pinili na ni Chief Supt. Eleazar na huwag nang ibida sa media.

Labis ang pasasalamat ng mapagkumbabang direktor sa lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pangunguna ni Mayor Herbert Bautista dahil sa ipinapakita nitong suporta sa QCPD.

Dahil dito, plano umano ng QC government na mapagkalooban ng isang helicopter ang QCPD at mga bagong patrol car. Sa oras na ito ay maisakatuparan, asahan na ang mas masigasig na paglilingkod ng pulisya dahil mas mabilis na silang makakares­ponde sa mga insidente.

Masasabi ngang “blessed” o pinagpala ang QCPD dahil sa suporta ng Quezon City government, pero pinagpala rin naman ang lokal na pamahalaan at ang buong residente ng Quezon City dahil nagkaroon sila ng pinuno sa pulisya na determinado at seryoso sa pagtupad sa tungkulin.

Kaya para sa’yo, Chief Supt. Eleazar, mabuhay ka! Nararapat ka lamang na gawaran ng promosyon at pagkilala.