Sa pagbabalik sa PBA, muling pinakilala ni Ricardo Ratliffe ang sarili nang magsalansan ng 37 points, 22 rebounds para balikatin ang Star sa 107-97 panalo laban sa TNT KaTropa sa Mall of Asia Arena kagabi.
Nabasag ang pagkakabuhol ng magkatunggali, angat ang Hotshots sa 7-2 samantalang dumausdos sa 6-3 ang Texters.
Apat na players pa ni Chito Victolero ang tumapos ng double figures sa Star sa pangunguna ng 17 ni Paul Lee. May 12 si PJ Simon, 11 kay Aldrech Ramos at 10 si Mark Barroca.
May panahog pang three blocks at two assists si Ratliffe sa pagbabalik sa Star kapalit ni Tony Mitchell.
“We love Tony, but talagang kailangan lang namin si Ricardo,” lahad ni Victolero.
Sa first game, pasiklab din ang newcomers ng GlobalPort na sina import Justin Harper at mga nakuha sa trade na sina Sean Anthony at Bradwyn Guinto para buhatin ang Batang Pier sa sorpresang 94-86 panalo laban sa league-leader Meralco.
Nag-deliver ang pangatlong import ngayong midseason conference ng GlobalPort na si Harper ng 30 points at nine rebounds.
Siyam sa 18 points ni Anthony ay kinamada sa fourth quarter at may dagdag pa siyang eight rebounds, nagdagdag si Guinto ng eight points, seven rebounds at block.
Angat sa 3-6 ang Batang Pier, nahila sa 7-2 ang Bolts.