Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang helper makaraang walang pakundangan itong burdahan ng saksak ng isang tindero sa hindi pa malamang kadahilanan sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Sa imbestigasyon ni PO3 Rene Ereño ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), may hawak ng kaso, nakilala ang biktima na si Eric Mesayah, 26, may-asawa ng Certeza Compound, Purok 2, Barangay Culiat ng nasabing lungsod.
Arestado at nasa kustodiya naman ng awtoridad ang suspek na si Erickson Jay Jarapa y Ibañez, alyas ‘Nunoy’, 21, ng nasabi ring lugar.
Nangyari ang insidente sa harap ng Mary Ann Store sa Brgy. Culiat sa nasabi ring lugar, dakong alas-kuwatro ng madaling-araw.
Base sa naging pahayag ng isang Zenaida Zacaria, natutulog na umano siya sa loob ng kanilang bahay nang magising dahil sa malakas na kalabog na nagmumula sa labas. Kaya agad itong lumabas upang tignan ang pinanggalingan ng mga kalabog. At dito na niya nadiskubre ang suspek na noon ay binabayo nang saksak ang biktima.
Tumigil lang umano ang suspek sa pananaksak sa biktima nang makita nito siya saka mabilis na tumakas bitbit ang duguang balisong na ginamit, ayon pa kay Zacaria.
Naiwanan ang biktima na nakabulagta na at naliligo sa sariling dugo na mabilis naman itong itinakbo ng isang nangnangalang Joel Cruz sa East Avenue Medical Center, subalit idineklara ring dead on arrival.
Bagama’t mabilis na tumakas ay agad ding naaresto ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng mga Barangay Public Safety Officer (BPSO).