Binulaga ng bala ang helper ng isang tindahan matapos itong puntiryahin sa ulo habang nagbubukas ng tindahan sa Candelaria, Quezon kahapon ng madaling-araw.
Agad na nasawi ang 18-anyos na biktima na kinilalang si Carlo Estrellado Contreras, helper sa isang tindahan.
Batay sa report ng Candelaria police, bandang alas-kuwatro ng madaling-araw, nagbubukas ng kanilang tindahan ang biktima sa Public Market, Barangay Pahinga Norte nang lapitan ito ng nag-aabang na suspek.
Walang sabi-sabing pinaputukan ito at nagtamo ng tama ng bala sa ulo.
Duguang humandusay ang biktima samantalang mabilis na tumakas ang suspek na naglakad lamang palayo.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam kung sino ang salarin at kung ano ang motibo sa krimen.