Pinaulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem ang isang lalaki habang nakatayo sa harapan ng tindahan ng kanyang nobya sa Tondo, Manila kahapon ng madaling-araw.
Sanhi ng limang tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril ay namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Marlon dela Cruz, 32, helper at residente ng Ylaya St. Tondo, Manila.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek na lulan ng isang motorsiklo patungo sa direksyon ng Lakandula St.
Base sa natanggap na ulat ni Supt. Arnold Thomas Ibay, hepe ng Manila Police District (MPD) Station 2, dakong-3:15 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril sa tapat ng tindahan ng nobya ng biktima sa Ylaya Street, kanto ng Lakandula Street, Tondo.
Bigla na lang umanong dumating ang mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima.
Duguang bumulagta ang biktima sa semento at mabilis namang tumakas ang mga salarin.
Sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng personal na galit ang motibo ng krimen ngunit biniberipika pa ito ng mga imbestigador ng MPD.
Inaalam pa rin ang pagkakakilanlan ng mga suspek at patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa insidente.