Helper sinaksak sa leeg ng 2 katoma

Nagwakas sa trahedya ang masayang inuman ng tatlong construction worker makaraang tarakan ng patalim sa leeg ang kanilang helper sa construction site sa Quezon City kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ni PLt. Roldan Dapat, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktimang si Regie Torre Viernes, 29-anyos, may asawa, helper, tubong Dilasag Aurora at stay-in sa pinagtatrabahuhang construction site townhouse sa Lot 13, Blk 2, Saint Peter St., Barangay Kaunlaran, Cubao, QC.

Tinutugis naman ang kasamahan nitong sina Loben Dianela, 30, at Rico Rosales, 25, mason, kapwa stay-in sa construction site at parehong residente ng Caramoan, Bicol na responsable umano sa naganap na krimen.

Sa inisyal na imbestigasyon ni Pat. Julius Vinasoy ng CIDU-QCPD, ang krimen ay naganap dakong ala-1:13 nang madaling-araw sa 4th floor ng MC 88 construction site townhouse sa nasabing barangay.

Ayon sa katrabaho na si Mark Manuel Pimentel, natutulog na umano siya habang nag-iinuman ang biktima at mga suspek nang magising umano siya para magbanyo.

Habang patungo sa banyo ay nakita niya si Dianela na may hawak ng patalim at umakyat sa 4th floor. Makalipas ang ilang minuto ay muli umanong bumaba ito hawak pa rin ang kutsilyo na may bahid nang dugo at mabilis na lumabas ng construction site kasama si Rosales.

Agad ipinaalam ni Pimentel sa kanilang foreman na si Jesus Clores ang nasaksihan at nang magtungo sila sa 4th floor ay bumungad sa kanila ang nakabulagta at duguang katawan ng kanilang helper. (Dolly Cabreza)