Agad sinibak ni Manila Police District (MPD) Director PCSupt. Joel Colonel ang station commander ng MPD-Police Station 1 at 12 tauhan nito, kasunod ng pagkakatuklas ng Commission on Human Rights (CHR) sa ‘secret jail’ sa loob ng presinto Raxabago Street sa Tondo, Maynila.

Inilabas ang relief order laban kay PSupt. Robert Domingo, commander ng MPD-Station 1 at labindalawang miyembro ng Drug Enforcement Unit (DEU), sa pangunguna ng team leader na si P/Senior Inspector Edwin Fuggan, upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa kaso.

Si Domingo ay pansamantalang papalitan ni P/Chief Inspector Gilbert Cruz bilang officer-in-charge ng nabakanteng puwesto.

Nabuking ang sikretong selda sa MPD Station 1 matapos magsagawa ng surprise inspection ang mga tauhan CHR kung saan nasa 12 preso ang natuklasang nakadetine sa maliit na silid

Ayon sa ulat, itinatago sa ‘secret jail’ ang mga nahuhuling suspek na ipatutubos sa mga kaanak.

Natuklasan din ni CHR-Metro Manila director Gilbert Boisner na walang record ng pag-aresto at inquest record sa mga nasagip na bilanggo.

Ilan din umano sa mga bilanggo ay tinorture ng mga pulis at may nakitang pang-kuryente sa loob ng selda.

Itinanggi ito ng mga opisyal ng MPD-PS1 at sinabing naaresto ang mga bilanggo sa One Time Big Time operation na bahagi ng security measure sa isinasagawang ASEAN summit sa bansa.