Hi- tech na COVID19 test kits padating sa bansa

Paparating na sa bansa ang teknolohiya kung saan 45-minuto lang ay lalabas na ang resulta ng isinasagawang COVID-19 testing.

“Mayroon po tayong Gene Xpert sa bansa na ginagamit para sa tuberculosis. Ngayon po naka-develop po ng bagong cartridge na puwede rin sa COVID at ito ay inaasahan na magkaroon din tayo dito para makatulong sa kapasidad ng ating mga laboratoryo,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Inaasahan sa Abril 20 darating sa bansa ang mga cartridges.

Nabatid na sa sandaling dumating ito, iba-validate ang mga ito ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para makita kung compatible at de kalidad ang mga ito.

Ayon sa opisyal , ang test results ng specimens ay maaaring mailabas sa loob lamang ng 45 minuto hanggang isang oras, kung gagamitin ang naturang teknolohiya.

May mga center na rin umano silang ina-assess ngayon kung maaaring gumamit nito at makatulong nila sa COVID19 test.(Juliet de Loza-Cudia)