Hidden agenda ni Speaker Alvarez, kinakapa sa Sereno impeachment

Pantaleon Alvarez

Kabado ang isang transparency watchdog group na dahil sa hidden agenda ni House Speaker Pantaleon Alvarez, magiging ‘luto’ ang pagdinig ng Kongreso sa impeachment complaint laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Nag-aalala ang Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE),sa tunay na motibo ni Speaker Alvarez sa pagsusulong ng pagpapatalsik kay Sereno.

“We have been monitoring the development and an obviously seen hand is manipulating the outcome of the impeachment hearing,” ayon kay FATE spokesperson Jo Perez.

Aniya, halatang ginagapang at gagawing ‘lutong Macao’ ang gagawing pagdinig sa impeachment complaint laban kay Sereno.

Dagdag ni Perez,  posibleng kabilang si Alvarez sa mga makikinabang kapag nagtagumpay silang mapatalsik ang punong mahistrado.

Sa reklamong isinampa ng abogadong si Larry Gadon, inakusahan niya ang Punong Mahistrado ng paglabag sa Konstitusyon, corruption, betrayal of public trust at iba pang ‘high crimes’ na ayon sa House committee on justice ay ‘sufficient grounds’ para litisin ang punong mahistrado.

Nauna nang hinamon ni Alvarez si Sereno na magbitiw na lang kung hindi nito kayang harapin ang mga akusasyon laban sa kanya.