Magalang na tinanggihan ni 2016 Rio Olympics weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz ang pagpili sa kanyang maging flag-bearer ng bansa sa 5th Asian Indoor and Martial Arts Games opening ceremonies sa Ashqabat, Turkmenistan sa Sept. 17-27.
Sinabi ni Chef De Mission Monsour del Rosario na kursunada niyang si Diaz ang magwagayway ng bandila ng bansa sa meet.
“Personal ko pong hihilingin kina Sir Monsour at (Deputy CDM) Raymond (Reyes) na huwag na lang ako. Marami pa namang iba mga kasama ko,” sabi ng 26-year-old na Zamboanga City lifter. “Polite ko pong idi-decline iyon, although malaking honor saka prestige po agad sa ating delegasyon.”
Sa pangalawang Olympics ni Diaz noong 2012 sa London, siya rin ang naging tagadala ng watawat pero nanigas aniya ang kanyang mga braso pagkaraan ng ilang araw at sumama ang kanyang performance.
“Kasi po, hindi naging maganda ang performance ko the last time na ako po ang nagbitbit ng flag natin sa parade dahil noong competition time na, nanginginig po ang mga muscles ng braso ko,” hirit ni Diaz na desente man ang nabuhat sa snatch nabokya naman sa clean and jerk nang maibagsak ang barbell.
“Sana po, maintindihan nila ang situwasyon kasi po nakakangalay talaga at hindi mo mararamdaman sa aktuwal na araw iyung epekto ng matagal na oras na pagbitbit sa flag eh. Mararamdaman mo ang epekto isa o dalawang araw matapos ang pagbuhat,” panapos ni Diaz.
Pero sinigurado naman niyang tuloy ang kanyang paglahok sa women’s 52kg ng palaro.