Hindi pa huling Olympics ni women’s weightlifting 53-kilogram silver medalist Hidilyn Diaz ang Rio Games.

Habang ninanamnam pa ang kinang na hatid ng medalya, sa kalagitnaan ng fiesta sa Zamboanga City, naibulalas ng 25-anyos na dalaga na binabawi niya ang naunang pahayag na ihihinto na ang pagbubuhat matapos isulat ang pangalan sa kasaysayan ng Philippine sports bilang unang Filipina­ na nanalo ng medalya sa quadrennia­l games.

“Na-realize ko po na puwede pa akong mag-improve sa susunod na apat na taon,” wika ng Air Woman Second Class na si Diaz. “Marami pang pagkakataon na makasali ako sa mga qualifying events para sa 2020 Tok­yo Olympics at sana po doon ko makuha ang ina­asam ng buong bansa na gold medal.”

Pero bago muling magbanat ng muscles sa gym, siniguro ni Diaz na tatapusin niya  muna ang kurso niyang Hotel and Restaurant Management sa Universidad de Zamboanga. Pagkatapos nito ay saka na siya magpo-focus sa training para sa susunod na taong 29th Southeast Asian Games Malaysia at 2018 Asian Games sa Indonesia.

Nangako si Diaz na gagawin niya ang kanyang makakaya para mahigitan ang nakuhang silver sa susunod na Olympics.

“Ngayon po na napatunayan ko sa sarili ko na magagawa ko kung talagang paghihirapan at paghahandaan, magsisilbi po sa akin na motibasyon ito na mas paghusayan ko pa lalo ngayon na marami na ang naniniwala na kaya nating manalo sa Olympics,” dagdag ni Diaz.

Hindi nawawala sa plano ng dalaga na makapag-asawa rin, pero hindi muna ngayon.
Classroom muna para kunin ang diploma, bago sumabak sa gym para­ habulin ang gold sa Tokyo­.