Hidilyn inspirasyon sa lahat

SALUTE! --- Pagkatapos ng 20 taon, naka-medalya rin ang Pilipinas sa Olympics nang bumuhat ng silver si Hidilyn Diaz sa women’s 53kg weightlifting event sa Rio de Janeiro Games. (AFP)

May titingalain nang inspirasyon ang lahat ng ­Filipino athletes na bigong mag-qualify sa Rio ­Olympics — si Hidilyn Diaz na naka-silver sa ­women’s 53-kilogram division ng weightlifting.

Hindi biro ang dinaanan ng 25-anyos na ­dalagang tubong Zamboanga City bago tinuldukan ang 20 taong pagkatigang ng Pilipinas sa anumang ­kulay ng medalya sa Games.

Bigo sa unang subok sa Beijing noong 2008 at sa London noong 2012, sa ikatlong Olympics ay ­gumawa na ng kasaysayan si Hidilyn nang ­maging first Filipino female athlete na nagkuwintas ng medalya sa quadrennial meet.

“She personifies the indomitable spirit of a great warrior because she ­never quits,” ani Rep. Mikee Romero (1Pacman Party-list). “She should inspire all of us, not only athletes, because quitter never wins.”

Muntik pang mag-quit sa sport niya si Hidilyn dalawang taon na ang ­nakakaraan dahil pakiramdam niya ay wala na siyang patutunguhan.

Pero nang ma-reunite kay Zamboanga coach Elbert Atilano, nagdesisyon si Diaz na bumaba sa 53kg at muling nabuhay ang career.

“Your time to shine will also come, so train your sights now for the Tokyo Olympics,” dagdag na himok ni Romero sa ibang atleta.

Binigyan ng komendasyon ni Romero, kasama sina Reps. Enrico ­Pineda, Ron Salo, Benhur Lopez, Sabiniano Canama, Teodoro Montoro, ­Salvador ­Belaro Jr., Vini Nola Ortega, Shernee Tan at Makmod Mending Jr., ang ­silver-medal win ni Hidilyn.

“(Win) affords great pride and honor to the country as it strives to produce better athletes out to conquer the world circuit,” anang mga Kongresista sa House Resolution No. 145.