HIDILYN, NESTOR GANADO SA RIO

Hidilyn Diaz

Gumugol ng ilang oras sina Nestor Colonia at Hidilyn Diaz sa kanilang training para sa 31st Olympic Games sa Agosto 5-21, kuntento sa reulta bago umalis ng Pavilion 2 ng Riocenter Convention Center sa Rio de Janeiro, Brazil.

“Maganda ang trai­ning today,” matipid na wika ni Colonia, 25, na nasa una niyang quadrennial games.

Walang hirap siyang bumuhat ng 120 kilograms sa snatch at 150 sa clean and jerk na may personal best siyang 124 at 158 para sa total 282kg.

“Okay lang,” dugtong ng world No. 4 sa men’s 56kg class, dinagdag pang target niya ang 290kg o mas mataas pa sa mismong kumpetisyon. Kung maisasakatuparan anya ‘yun, may tsansa siyang makamedalya.

“Konti na lang,” dagdag niya.
Palaban na dahil sa ito na ang pangatlo niyang Olympics, nagpahayag naman si Diaz na mas mabuti na ang kanyang kalagayan matapos ang ilang araw na pagkakaroon ng ubo.

Maganda rin ang naging sesyon niya sa ensayo.

“Masaya ako sa trai­ning ko ngayon,” bulalas ng 25-anyos na Zamboangueña na kababayan ni Colonia at kanilang coach na si Alfonsito Aldanete.

Tagumpay ang 2012 London Olympics Philippine flag bearer sa nabuhat na 85kg sa snatch, ilang dipa lang ang layo sa nakasabay na karibal mula sa South Korea.

“Nagtitinginan kami. Alam ko nasa 85 (kg) din siya kanina,” bigkas pa ni Diaz.

“Kaya masaya si Hidilyn (Diaz) kanina sa training. Parang nagbabantayan sila nung kari­bal niya sa division (53 kg),” wakas ni Colonia.