Pinayuhan ng National Basketball Association (NBA) ang mga player ng liga na iwasan muna ang pag-apir sa fans at pag-autograph sa mga item ng tagahanga para sa kaligtasan ng bawat isa mula sa coronavirus (COVID-19) outbreak.
Nagbigay ang liga ng 10 recommendations para sa mga player upang maiwasan ang COVID-19 virus sa isang memo na ipinamahagi sa mga team nitong Lunes (Martes, Manila time).
Ibinahagi rin ng NBA sa mga team na kumukonsulta ito sa mga eksperto sa Center for Disease Control sa Columbia University sa New York para mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.
“The coronavirus remains a situation with the potential to change rapidly — the NBA and the Players Association will continue to work with leading experts and team physicians to provide up-to-date information and recommended practices that should be followed to prevent the spread of the coronavirus,” sabi pa sa memo.
Iminungkahi rin ng liga sa mga player na tiyakin na sila ay dapat na alisto at up to date sa lahat ng routine vaccinations, kasama ang flu vaccine.
Ilan naman sa mga player katulad nina CJ McCollum ng Portland Trailblazers at Bobby Portis ng New York Knicks ang nagpaalaala na rin sa mga kapwa nila players para maiwasan ang virus. (JAT)