HIGH OCTANE FOTON

Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
2:00 p.m. — Generika vs. Standard Insurance-Navy
4:00 p.m. — Foton vs. F2 Logistics
6:00 p.m. — RC Cola-Army vs. Petron

Lumalapit na sa battle for fifth ang Cignal at Generika matapos pataubin ang kani-kanyang kalaban sa second round ng Philippine Super Liga All Filipino Conference sa The Arena sa San Juan kahapon.

Nilunod ng HD Spikers ang Standard Insu­rance Navy, 25-15, 25-22, 25-18, at hindi pinaporma ng Life Savers ang Amy’s 24-26, 25-13, 25-19, 25-14.

Sa huling laro, sinagasaan ng Foton ang reignin­g champion Petron 25-23, 25-18, 25-18 para kolektahin ang ikalawang sunod na panalo sa second round at gumitgit sa unahan.

Tinadtad ng atake nina young guns EJ Laure, Cherry Rondina at Jaja Santiago ang Tri-Activ Spikers. Nag-deliver si Laure ng 14 kills at two blocks tungo sa 17 points, may 15 si Rondina at 14 kay Santiago para sa Tornadoes, sasakay sa momentum ng panalo sa pagsagupa sa F2 Logistics ngayon.

May eight points si Aiza Maizo-Pontillas sa Petron, sadsad sa ikalawang pagkakataon sa se­cond round.

Nagtala si Jeanette Panaga ng 16 puntospara sa HD Spikers, na may tangan na ng 2-1 win-card para kumatok sa pintuan ng battle for fifth. Nag-ambag sina Janine Navarro at Mic-Mic Laborte ng pinagsamang 21 marka para sa Cignal.

“Ibig sabihin nito naa-absorb na nila mga tinuturo ko,” pahayag ni HD Spikers coach Sammy Acaylar. “Sa mga practice nila hindi ko na sila pine-pressure, ‘di ko na sila binibigyan ng mga strenuous activities kasi that’s my approach now. I want them to enjoy na lang the game.”

Gumawa si Florence Madulid ng walong puntos para sa Standard Insurance Navy (1-1).
Binuhat ni Chloe Cortez ang Life Savers sa kanyang 17 puntos, nag-ambag si Ria Meneses ng 15 at may 11 si Wensh Tiu.

Umangat ang Generika sa 2-0 win-loss record sa second round para lumapit sa battle for fifth.

Tumapos si Cindy Imbo ng siyam na puntos para sa Amy’s, na nanatiling bokya sa 10 laro.