Tampok ngayon ang lalawigan ng Ifugao sa naitalang pinakamataas na kalsada ng Philippine Highway System sa buong bansa.

Sa report ng Department of Tourism (DOT)-Cordillera, nasa Sitio Gihngaw, Tukucan, Tinoc, Ifugao masisilayan ang highest elevation o pinakamatayog na daanan sa Pilipinas.

Ang nasabing highest point na may malamig ding kapaligiran ay matatagpuan sa “the virgin forest o the mossy forest” kung saan matatanaw din ang “Sea of Clouds of Tinoc.”

Inaasahan namang magiging patok ang nasabing lugar sa nalalapit nilang kapistahan ngayong Abril kaya maglalagay ng marker sa final spot ng bagong highest point.

Sa isinagawang pagsusuri ng Department of Public Works and Highways (DPWH), lumitaw na may taas o elevation na 7,968.07 feet o 2,428.66 meters above sea level ang nasabing highest point.

Mas mataas ito, ayon na rin sa DPWH, ng 568.07 feet o 173.14 meters kumpara sa ­unang deklaradong highest point sa Cattubo, Atok, Benguet na may elevation na 7,400 feet above sea level.