Masama ang balitang ito! Habang kinaklaro ng Department of Energy (DOE) na ang P2.30 price hike sa kada litro ng diesel, P1.40 kada litro ng gasolina at dalawang piso sa gaas ay hindi epekto ng ikalawang bugso ng TRAIN Law, lalong nakakabahala.

 

Paliwanag ng ahensya, epekto raw ng presyuhan sa world market ang nagtulak sa mga kompanya ng langis para magpatupad ng napakalaking dagdag presyo.

 

Sa ngayon daw kasi ay old stock pa ang ibinibentang petrolyo kaya hindi pa ito nasasapul ng dagdag na two peso excise tax na itinatakda ng TRAIN 2.

 

Base sa rekord ng DOE, 10% pa lamang ng mga gas companies ang nagtaas ng halaga nang dahil sa TRAIN 2 dahil bagong stock na ang ibinibenta.

 

Sa madaling salita, itong mahigit two peso oil price hike ay mapapatungan pa oras na lumatay ang paniba­gong two peso excise tax ng TRAIN 2.

 

Malaking aray ito!

 

Hindi man lang tinatanong ng gobyerno kung kaya pa ba ng tao ang ganito kamahal na petrolyo.

 

Itong teyorya ng mga ekonomista ni Pangulong Digong Duterte na mga mayayaman ang tumatanggap ng pinakamalaking latay ng TRAIN Law ay malaking kasinungalingan.

 

Huwag nang magkuwentahan! Tanungin ninyo na lang ang mga pobre kung kumpleto pa bang tatlo ang meals nila sa isang araw. O kung anong klaseng pagtitipid ang ginagawa nila para makaagapay sa bangis ng TRAIN Law.

 

Basic na pangangailangan (pagkain, pamasahe, kur­yente, tubig, baon ng mga estudyante) ang ina-adjust at sinasakripisyo ng mahihirap samantalang ang mga de-kotse ay bawas-luho lang ang ginagawa para makatawid sa araw-araw.