Higit kalahating milyong mga pasa­way sa iba’t ibang ordinansa na ipinatutupad sa Metro Manila ang naaresto ng pulisya mula nang paigtingin ang kampanya nito sa nakalipas na anim na buwan, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar kahapon.

Batay sa rekord ng NCRPO, umabot sa 543,999 ang dinampot mula Hunyo 13 hanggang Disyembre 2 ngayong taon dahil sa iba’t ibang kaso ng mga paglabag sa ordinansa at pinakamarami sa mga naaresto ay dahil sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar na mahigpit na ipinagbabawal.

Nasa 148,598 katao ang nasakote sa smoking ban o 27.32% mula sa kabuuang bilang ng mga inaresto. Pumangalawa ang mga menor de edad na inaresto dahil sa paglabag sa curfew hour na nasa 33,590 katao o 6.17%.

May 33,307 indibidwal naman ang dinampot dahil naglalakad sa pampublikong lugar na walang damit pang-itaas.

Nasa 25,508 ang dinakma dahil sa pag-iinuman sa kalsada habang nasa 302,996 katao o 55.07% naman ang hinuli dahil sa iba pang mga paglabag sa ordinansa na ipinatutupad sa kanilang lugar.

Pinakamaraming inaresto ang Quezon City Police District na nakapagtala ng 318,676 indibidwal na lumabag sa mga ordinansa. Pumangalawa ang Eastern Police District na may 112,360 katao ang dinampot, pangatlo ang Manila Police District na nasa 45,932 ang inaresto; pang-apat ang Southern Police District na may 34,054 katao ang nasakote at ang Northern Police District na nakapagtala ng 32,977 bilang ng mga pasaway.

Ayon kay Eleazar, pinalaya rin ang mga nahuli matapos magbayad ng multa habang ang iba ay para na rin sa ‘humanitarian considerations’.

Sa datos ng NCRPO, nasa 107,628 na inaresto ang pinagmulta habang 74,332 ang sinampahan ng kaso at may pito pang nasa kustodiya ng Southern Police District.