TALAVERA, Nueva Ecija — Umabot sa mahigit sa P1.4M halaga ng bigas ang nakulimbat ng mga hindi pa nakikilalang hijackers na tumangay sa isang trailer truck na puno ng kargadang bigas noong Martes ng madaling-araw sa Maharlika High way sakop ng Brgy. La Torre sa bayang ito.
Lumitaw sa imbestigasyon ni PO1 Reynaldo Cayog na alas-dos ng madaling-araw pumarada ang truck driver na si Ruben Iñigo Ramirez, 33, ng Purok 11, Brgy. Villa Luna, Cauayan, Isabela sa tapat ng Crystal Waves Resort sa naturang barangay at ipinasipat sa helper nitong si Dexter Guitapi Ramirez, 21, ang kanilang gulong hanggang ipinasiyang mamahinga habang inaantabayanan ang iba pang bumiyaheng trak ng kanilang amo.
Habang nakahiga ay dumating ang dalawang armadong lalaki at tinutukan sila ng caliber .45 at binantaang papatayin kapag nanlaban.
Iginapos umano ang mga biktima, piniringan at pinaupo sa likod ng driver’s seat at minaneho ng isang suspek ang trak bago pinababa sa ‘di kalayuan at iniwan.