Hiling ay makauwi at bigyan ng trabaho sa Pinas

Dear Sir,

US$400 po ‘yung pinirmahan namin pero pagda­ting po namin dito ay (Saudi Riyal) SR900 lang ang basic namin at may kaltas pa po na SR200 kada buwan.

Hinihiling ko po sana ay matulungan niyo po ako makauwi sapagkat ang aking asawa ay halos gabi-gabi ay umiiyak sa dinadanas ko. Mas mabuti pa po na sa Pilipinas na lang po ako magtrabaho.

Sana po ay matulungan niyo po ako kahit konting tulong po sa financial problem para po makapagsimula po ulit ako sa Pinas ng magandang trabaho at buhay kasama ang aking asawa at 2 years old na anak.

Maraming salamat po umaasa po ako sa tulong na ibibigay niyo. God bless po.

Jonjon Ramos
Saudi Arabia

***

Si Mr. Ramos ay nagtrabaho sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng M.H.D. MANPOWER na ang tanggapan sa Saudi ay Herfy Food Office na matatagpuan sa Almuruge Exit 5 simula pa noong Disyembre 20, 2015.

Naiparating na rin ng United-OFW na pinamumunuan ni G. John Leonard Monterona ang liham na ito sa POLO-OWWA RIYADH, OWWA RAD, POEA REPATRIATION UNIT at OFFICE OF THE POEA ADMINISTRATOR pero nananatili pa ring walang aksyon. Ang BayaniKa ay kumakatok din sa mga nabanggit na mga ahensya ng gobyerno upang humi­ling na bigyang atensyon ang karaingan ni G. Ramos.

***

Isang tugon ang aming tinanggap mula sa Overseas Welfare and Workers Administration (OWWA) sa pakikipag-ugnayan ng aming OFW reporter na si Armida Rico hinggil sa reklamo ni Juliet Abuyin Gabato.

Alinsunod sa pahayag ni Atty. Eric Dollete chief ng Legal Assistant Division ng OWWA kailangan nang ipaalam ng Pinay worker sa kanyang recruitment agency sa Pilipinas ang kanyang problema na hindi na siya pinapasuweldo ng kanyang employer.

Bukod sa agency sa Pilipinas ni Gabato ay kinakailangan na rin itong ipaalam o sumulat sa foreign­ agency niya sa Saudi Arabia hangga’t wala pang nangyayaring masama sa kanya.

Payo pa ng opisyal na hangga’t maaari ay huwag nang pumirma ang Pinay worker lalo na hindi niya ito naintindihan ang kanyang pinipirma.

Maging ang pananakit o pagmamaltrato ng kanyang employer ay kailangan ding idulog sa kanyang agency para maaksyunan ito.

Sakaling hindi inaksyunan ng dalawang agency ang kanyang reklamo ay kinakailangan na itong humingi ng tulong sa Philippine Overseas Labor Office-OWWA.