Maituturing pa rin na masuwerte ang marami nating kababayan na nagtatrabaho sa pribadong sektor dahil babayaran ng kanilang employer ang suweldo nila sa loob ng isang buwan na enhance community quarantine sa buong Luzon.

Pero ang mga arawang manggagawa at mga nagtatrabaho sa informal sector, sila ang hagip ng pinatupad ng lockdown. Isa na dito ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan na umaasa lamang sa kita ng bawat araw na sila ay pumapasada.

Kaya naman mungkahi ni Sen. Grace Poe, gamitin ang pondo ng Department of Transportation (DOTr) na umaabot sa P17 bilyon. Ang pondo na gagamitin sana sa mga programa at proyekto ng DOTr ay naipit dahil sa coronavirus pandemic.

Sabi ng chairperson ng Senate Committee on Public Service, puwede namang i-realign ang pondo upang mapakinabangan ng mga tsuper na lubos na apektado ng pinatupad na enhanced community quarantine dahil sa hindi sila pinayagang makapasada.

Nauunaawan naman ni Senador Poe kung bakit kinakailangan ng MalacaƱang na ipatupad ang ban sa mass public transportation ay upang maipatupad ang social distancing at mapigilan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19.

Kapag nagkaroon ng katuparan ang kahilingan ni Poe, aabot sa 130,000 jeepney driver ang makikinabang sa pondo. Siyempre, kasama na dito ang 65,000 tsuper ng transport network vehicle service sa buong bansa. Sa Metro Manila lamang, humigit-kumulang sa 13,000 ang mga bus driver at 47,000 naman ang namamasada ng motorcycle taxi.

Sabi pa ni Poe, hindi imposible ang kanyang kahilingan dahil maaaring i-realign ni Pangulong Duterte ang pondo ng DOTr sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act na nilagdaan kamakailan lamang. Sa nasabing batas, pinahihintulutan dito ang Pangulo na isantabi ang mga programa at proyekto ng pamahalaan upang magamit na pondo para labanan ang COVID at matulungan ang mga apektadong pamilya.

Makapaghihintay ang mga proyekto ng gobyerno, pero ang pagkagutom ng mga tsuper ay hindi dapat ipagsawalang bahala ng pamahalaan. Sabi pa nga ni Poe, hindi naman siguro tututol ang iba na gamitin ang pondo ng DOTr upang ipakain sa mga nagugutom na driver.

Tinukoy din ni Poe ang fuel voucher para sa mga tsuper sa ilalim ng programang Pantawid Pasada ng DOTr. Mas mabuti raw na i-convert na lang itong cash o food assistance sa mga tsuper sa panahon ng krisis. Dapat gamitin ito bilang pantawid sa walang pasada. (END)