Mga ka-Misteryo naranasan niyo na bang makakita ng gumagalang anino at bigla na lang ka­yong hinabol?

Ito ang ating mis­yon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Naikuwento sa #TeamMisyeryo ni Paulo ng Ilocos Norte na isang gabi pagkagaling niya sa pangingisda ay hindi agad siya makatulog sa kanyang kubo sa tabi lamang ng dalampasigan.

Tulad ng naka­gawian ‘pag hindi agad makatulog ay nagluto muna siya ng instant noodles para mainitan ang kanyang sikmura.

Pagkahigop ng sabaw ng noodles ay tumambay muna sa kanyang maliit na balkonahe si Paulo habang nakatanaw sa gawi ng karagatan.

Nang bigla siyang makarinig ng kaluskos sa gilid ng kanyang kubo. Hindi ito pinansin ni Paulo at inisip niyang baka may naligaw na aso. Pero naulit ang kaluskos na sinundan ng palo sa dingding ng bahay kubo.

Paulo: “Sino yan? ‘Wag mo kong takutin at may hawak akong itak! Hahabulin kita.”

Hindi na nasundan ang kaluskos at palo sa dingding ng kubo ngunit nakaramdam ng kilabot si Paulo at paglingon niya sa gilid ng kanyang kubo ay may nakatayong anino na mapula ang mga mata.

Hindi makakilos at hindi agad makapagsalita si Paulo sa kanyang pagkakaupo at nag-iisip ng paraan kung paano makukuha ang kanyang itak na nakasuksok sa dingding ng kubo. Napansin niyang unti-unting lumalapit sa kanya ang anino.

Pinilit ni Paulo na tumayo at yumuko siya para makawala sa tila hipnotismo na ginawa ng aninong may mapulang mata. Hindi na siya nagdalawang isip pa at biglang tumalon sabay takbo papalayo sa kanyang kubo.

Nagawa pang lumingon ni Paulo at nakita niyang humahabol ang anino na may mapulang mga mata. Nang tanu­ngin ng #TeamMisteryo kung ano pa ang napansin niya sa anino kung paano ito gumalaw at ano hugis ng kasuotan.

#TeamMisteryo: “Paano ka niya hinahabol?”

Paulo: “Nakita kong nakalutang siya parang lumi­lipad sa hangin. At parang apoy ang kanyang mga mata.”

#TeamMisteryo: “Nakita mo ba hugis ng kasuotan niya? Ano pa napansin mo?”
Paulo: “Parang may kapa siya, kita ko ‘yung may maliliit na matulis sa kanyang mga balikat. Para siyang kalbo o kaya nakahelmet wala akong makitang hugis buhok niya.”

Natigil lang ang paghabol sa kanya ng anino nang makarating siya sa maraming kabaha­yan at dumiretso si Paulo sa barangay hall para humingi ng saklolo. Hindi siya pinaniwalaan sa kanyang nakita at biniro pa siyang baka nalipasan lang siya ng gutom.

Sa panahong ito ay mahirap pa ring paniwalaan ang ganitong mga karanasan bagaman may mga taong tapat sa kanilang kuwento. May hawig sa mga close encounter sa US ang karanasan ni Paulo at itinuturing itong isang alien encounter. Gayunman, patuloy pa rin ang pananaliksik sa ganitong mga karanasan.

Para sa inyong mga karanasang nakakatakot at kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com at misteryophilnet@gmail.com. Bisitahin ang Abante at Abante Tonite websites maging ang www.reytsibayan.com.