Tinarget sa sentido na naging sanhi ng dagliang kamatayan ng isang parking attendant nang barilin ng ‘di nakikilalang suspek habang nanonood ng karera ng kabayo sa isang hardware canteen sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din ang biktimang si Rodrigo Angelez, 44 at residente ng 12th Street, Port Area habang inaalam pa ng pulisya kung sino ang may kagagawan ng krimen.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), alas-11:25 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng hardware canteen na matatagpuan sa 13th Street, malapit sa kanto ng Roberto Oca Street sa Port Area.
Ayon sa mga saksi, nanonood lamang ang biktima ng horse racing sa loob ng naturang kainan nang bigla na lang silang makarinig ng isang putok ng baril at duguang bumulagta ang biktima sa sahig na agad na binawian ng buhay.
Bigo naman ang mga saksi na makapagbigay ng pahayag sa pulisya kung sino ang pumatay sa suspek dahil hindi umano nila ito nakita.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.