Hinahabol ng aso sa panaginip

Dream Catcher

Dear Dream Catcher,

Napanaginipan ko po na may isang malaking asong tumatakbo palapit sa akin.

Natakot po ako at inakala kong kakagatin niya ako. Hindi po ako nakakilos sa kinatatayuan ko. Pero paglapit ng aso, hindi naman niya ako kinagat.

Dinilaan niya po ang kamay ko. Nang maglakad para umuwi ng bahay ay sumunod ang aso hanggang bahay at parang nagpa-ampon na sa akin. Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Thalia

Ang aso ay sumisimbolo sa proteksyon at loyalty. Ang iyong panaginip ay isang positibong panaginip. Ito ay indikasyon na sa iyong buhay, may isang tao na may ganitong positibong mga pag-uugali.

Ang aso ay naging representasyon lamang ng sinumang tao sa iyong buhay na nagbibigay sa iyo ng proteksyon at pagmamahal. Pag-aralan mo kung sino sa mga tao sa iyong buhay ang maikokonek mo sa iyong panaginip.

Halimbawa, sa aktuwal na sitwasyon ay nakaranas ka ng isang sitwasyon kung saan feeling mo ay naging kalaban mo ang lahat. Pero may isang taong nagbigay sa iyo ng seguridad, ng suporta at pang-unawa. Ang taong ito ang maikokonek mo sa asong sumama sa iyo pauwi ng bahay.

Sinabi mo na noong una ay natakot ka pero dinilaan ka ng aso na nagpapakitang dinamayan ka ng aso sa iyong panaginip. Ang takot na una mong naramdaman ay posibleng konektado naman sa anumang sitwasyon na naranasan o nararanasan mo.

Sa kabuuan, ang panaginip tungkol sa aso ay isang positibong panaginip at nagpapakitang anuman ang kalagayan mo, hindi ka nag-iisa dahil merong isang nananatiling loyal sa iyo.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.