Dear Kuya Rom,

Ako ay 28 years old at may boyfriend sa ngayon. Kami ay two months na sa aming relationship. Maligaya naman ako pagkat alam kong mahal niya ako. Ang hindi niya alam, kasi sikreto ko, pangwalo na siyang lalaki sa buhay ko.

Totoo akong magmahal. Seryoso ako sa pag-ibig. Hindi ko ginagawang laruan ito. Pero hindi ko maintindihan ang aking sarili. Kapag may bago akong nakila­lang lalaki, nagiging curious ako sa kanya, nagiging malapit ako sa kanya, gusto kong malaman kung sino siya, ano ang ugali niya at kapag gusto ko ang pagkatao niya, nagkakaroon kami ng relasyon.

Nangyayaring madalas ang ganito sa akin. Dahil may hinahanap-hanap ako, attracted ako sa isang lalaki agad, kahit sa kasalukuyan ay may boyfriend ako. Ayaw kong mangyari, pero nangyayari. Masama ba ito? Hindi ko na yata maalis ito.

Kuya, just call me Hilda. Immature ba ako? O normal lang ba talaga na mapalapit ako sa isang lalaki? Gusto ko nang mag-asawa, posible bang mahanap ko ang lahat ng gusto ko sa isang lalaki para hindi na ako maghanap pa at mapalapit sa iba? — Hilda

Dear Hilda,

Ang pagiging seryoso at hindi pagiging mapaglaro sa pakikipagrelasyon ay hindi nangangahulugan ng katapatan sa pag-ibig. Kung ikaw ay tapat sa lalaking iniibig mo, iiwasan mo ang mapalapit sa ibang lalaki.

Ikaw ba ay immature? Ang maturity ay nakikita sa tatag ng damdamin o emotional state at hindi ito nasusukat sa edad o physical age. Maaaring 28 ang edad mo, pero hindi nangangahulugang matatag ang damdamin mo.

Maaaring sa edad ay tumatanda ka, pero posibleng pagdating sa tatag ng damdamin, wala kang pinagkatandaan.

Ang tatag ng damdamin ay nakikita sa pagpipigil mo ng sarili. Halimbawa, ang isang matanda ay naga­gawang magpigil ng galit, pero ang isang bata ay madaling maglabas ng galit. Sa nangyayari sa iyo, hindi mo napipigilang maging malapit ka sa ibang lalaki kahit na ikaw ay may boyfriend. Ito ay nagpapakitang ikaw ay immature, walang pagpipigil sa sarili.

Kung ikaw ay may boyfriend at may seryosong relasyon ka sa kanya, hindi normal na mapalapit ka sa ibang lalaki; kawalan ito ng katapatan sa iyong boyfriend. Ibig sabihin, ang maturity ay nakikita sa iyong katapatan.

Posible bang mahanap mo lahat ng gusto mo sa isang lalaki? Hindi, sapagkat walang perpek­tong tao. Ikaw mismo ay hindi perpekto. Hindi mahahanap ng isang lalaki ang lahat ng gusto niya sa isang babae sa iyo.

Kaya’t mabuting huwag mo ring hanapin ang lahat ng gusto mo sa isang lalaki sa boyfriend mo. Mabuting maunawaan mo ito: Kahit ilang beses kang magpalit ng boyfriend, hindi mo mahahanap ang perpektong lalaki.

Narito ang apat na mahalagang katangian ng isang mabuting lalaki: May pananalig, takot at pagsunod sa Diyos; may integridad sa salita at gawa; may sipag at pagsisikap na itaguyod ang kanyang pamilya; at may tunay at malinis na pag-ibig sa iyo. Sa biyaya ng Diyos, nawa’y matagpuan mo ang lalaking ito. God bless you!

Payong kapatid,

Kuya Rom