RAMIL D. CRUZ
Isang kapwa ko mananakbo, marathoner din, ang nagbulong sa TP sa natamo niyang kamalasaduhan sa RunRio, Inc.
Ang nasabing road race organizer ay pinamumunuan ni Rio dela Cruz, ang tinuturo ng karamihang runners na nagpamahal sa dating pangmasang sport sa bansa.
Sa kuwento ng aking impormanteng marathoner, binibigay agad ang medal ng top three winners bawat age category ng men’s at women’s divisions pagkatawid nila ng finish line sa huli nitong patakbo.
“Ibinibigay sa amin agad ang medals ng age group winners. Top 3 overall lang ang pinaaakyat sa stage,” anang aking kaibigan.
Hinirit niya nito namang nakalipas na taon, nasa overall winners (top 3) siya ng Run United Philippine Marathon. Pero inayos pa raw muna ang resulta sa opisina RRI sa Pasig City. Kaya ‘di nakumpleto ang awarding.
“Di namin agad nakuha ang medals. Pinapunta pa kami sa Pasig office nila para makuha ang medals,” saad ng aking impormante.
Sa mahal ng bayad sa mga patakbo ni Rio, wala na ring elite runners ang mga sumasali sa mga pakarera niya, obserbasyon pa ng running colleague ko.
Kako sa kanya, “‘Di ba sabi ni Rio siya ang nagpa-level-up ng running sa bansa kung organizational/technical ang pag-uusapan kaya tumaas nang todo ang registration fee? Bakit dani na yata niyang kapalpakan?”
Ilang taon na ang nakalilipas, ‘di niya na-provide ang sports media na sumali sa side event ng National Milo Marathon na 5K media run.
Sa matagal na panahong hinawakan nina Ron delos Reyes at Rudy Biscocho ang NMM, swabe ang takbo ng lahat resulta – 42K, 21K, 10K, 5K, 3K – o saan mang distansiya, pati na ang sa media. Pero nang si Rio na. Wala na.
Kaya ako ilang taon na ring ‘di sumasali sa media run.
Kinuha ko ang panig ni Rio sa bagay na ito nitong Lunes. Pero ‘di siya nasagot. Baka gusto mong tumugon WalkRio este RunRio. Bukas ang pitak na ito pa sa inyo.