Hinarang at saka walang patawad na pinagbabaril nang harapan hanggang mamatay ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem ang isang architect habang minamaneho ang sariling sasakyan sa Makati City kamakalawa ng gabi.
Sanhi ng ilang tama ng bala sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa kalibre .45 baril ay agad na namatay ang biktimang si Rodel Mallari, 48, may asawa, arkitekto, at naninirahan sa 2196 F. Zobel St., San Miguel Village ng nasabing lungsod.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sakay ng isang motorsiklong walang plaka.
Base sa report ng Southern Police District (SPD), dakong alas-otso ng gabi nang maganap ang insidente sa Gil Puyat Avenue, Brgy. San Isidro, Makati City.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Makati City Police, minamaneho ng biktima ang kanyang kulay gray na Toyota Vios na may plakang NXI-128 nang biglang harangin ng isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki.
Agad na pinagbabaril ang biktima at nang masigurong napatay na ito ay mabilis na tumakas ang mga suspek at pinaharurot ang kanilang motorsiklo sa hindi mabatid na direksyon.
Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at inaalam din kung mayroong closed circuit television (CCTV) camera at nahagip ang insidente para sa pagkakakilanlan ng mga salarin.